Takbo. Habol. Lipad.
Sabi nila kailangan ko daw matutong huwag tumigil,
kahit pagod na, ang huminga ng saglit ay bawal,
kung tagumpay ang hangarin.
Ngiti. Halakhak. Labas ang ngipin.
Ang sarap tumawa, sana’y walang katapusan,
kung sumaya ay ganon kadali,
bakit kayhirap gawin,
tila marami ang malungkot sa atin?
Hinga. Pahingi ng pahinga.
Ito ang sigaw ng katawan kong tulog ay kaytagal nang inaasam.
Ngunit seryoso, kailan kaya kita mababawi?
Pwede pa ba? May oras pa ba?
Biro lang, may pagsusulit pa bukas.
Ginusto mo yan, wag kang magsisi.
Problema. Masakit. Madilim.
Kaya ko pa bang harapin ang bukas?
Kaya ko pa bang magsimula ulit?
Sa ilalim ng makulimlim na ulapat bugso ng ulan,
bakit parang ayaw na niyang tumigil?
Ate. Kapatid. Pamilya.
Kayo ang pumupuno sa akin.
Salamat dahil nariyan kayo, ang makikipot at paliko-likong daan,
matapang kong tinatahak, sapagkat kayo’y sumisigaw,
naniniwalang ang tagumpay ay nasa akin.
Lipunan. Magulo. Pabagsak.
May pag-asa pa kaya?
Kung ako’y tumigil, ano na ang kapalaran ng henerasyon na susunod sa akin?
Utak. Puso. Pag-ibig.
Mahirap pumili ng susundin,
ngunit kailangan, dahil kung hindi,
tila’y ligaw na damo, walang susundan, kung saan-saan mapapadpad,
oo, kayo ang bumubulong sa akin.
Kape. Alak. Tubig.
Aah, sa bawat tulo, napapawi ang pagod, kaya mo pa,
isang lagok pa, iyong matatapos ang inaaral,
magiging bihasa balang araw, sa larangang pinili.
Pluma. Papel. Laptop.
Sila ang aking karamay.
Kaya. Kaya. Kaya.
Pwedeng magpahinga Juana, pero hinding-hindi titigil.