Mahal kita
Ang sarap pakinggan.
Tila isang huni na kahit paulit-ulit kong marinig ay hindi kumukupas ang tamis sa tuwing iyong sasambitin
Ang tagal kong pinangarap na marinig ang dalawang salitang labis na kasiyahan ang dala sa aking puso.
Ngunit sapat na ba ang sabihing mahal kita?
Sa una ay napakasayang isipin na may taong nagsabi sayo na mahal ka niya
Ngunit kung hindi ko ito maramdaman, ano pa ba ang silbi ng mahal kita?
Ipinagsisigawan mo sa buong mundo na mahal mo ako ngunit bakit tuwing tayong dalawa na lang ang magkasama tila tayo’y nasa magkabilang dulo ng mundo?
Na parang pakitang tao lang ang mga yakap, halik, akbay at ngiti
Kung sasabihin mong mahal mo ko gawin mo, ipakita mo
Kasi mas gugustuhin ko pang ang pag-ibig natin ay tahimik, at isang sikreto basta’t alam ko na mahal kita at mahal mo rin ako.
Hindi ko kailangan na palibutan ng rosas o bigyan ng maraming tsokolate
Hindi ko hinihiling na ipagyabang mo ako sa fb, twitter o Instagram
Hindi ko kailangan ang mga text na halos langgamin sa tamis oh maraming I love you
Ang kailangan ko ay yung nandiyan ka sa panahon na nahihirapan ako
Kapag pagod na ako, oh nawawalan ng pag-asa at tila hindi na makabangon
Kapag minsan nawawalan na ako ng tiwala sa sarili ko
Kapag gusto ko nang bumitaw kailangan ko nang kakapit at yayakapin ako
Ngayon, mahal mo pa rin ba ako?
Sumagot ka.
Kaya mo bang panindigan ang mga salitang ito?